NEWS


Stay updated with our school's dynamic News section, delivering timely and relevant content straight to your fingertips. Explore stories of student success, staff spotlights, community engagement, and important announcements.



Walang Patid na Saya: Kulay at Sigla sa Buwan ng Wikang Pambansa 2024

Hindi pa natatapos ang ating masiglang pagdiriwang para sa Buwan ng Wikang Pambansa 2024! Ang mga pagtatanghal ngayong araw ay nagbigay ng kulay at kasiyahan sa ating paaralan, habang ipinagdiriwang natin ang yaman ng ating wika at kultura.

Sa bawat indayog at taludtod, ipinamalas ng mga mag-aaral ang kanilang pagmamahal sa wikang Filipino sa pamamagitan ng sabayang pagbigkas. Ang pagtatanghal na ito ay puno ng damdamin at makabayang espiritu, na naglalarawan ng kasaganaan ng ating panitikan at kasaysayan.

Ibinida rin ng mga estudyante ang kanilang likhaing tula sa akrostik na nagsasalaysay ng kanilang pag-unawa at pagmamahal sa wikang Filipino. Ang bawat salita ay puno ng pagninilay at paggalang sa ating pambansang wika.

Sa likod ng bawat piraso ng mozaik ay ang pagtutulungan at pagkakaisa ng mga mag-aaral sa pagbuo ng watawat ng Pilipinas. Ang aktibidad na ito ay nagpatunay na sa kabila ng pagkakaiba, tayo ay nagkakaisa sa iisang layunin.

Naging sentro naman ng kasiyahan ang Kalook-a-Like contest, kung saan ang mga mag-aaral ay nagpakitang-gilas sa kanilang husay sa paggaya sa mga kilalang personalidad. Ang kanilang mga pagtatanghal ay nagpamalas ng kanilang pagiging malikhain.

Marami pang mas makabuluhan at masasayang gawain ang naghihintay sa mga YASCIANS bukas! Patuloy tayong magdiwang at magbigay-pugay sa ating wika at kultura. Huwag palampasin ang mga natatanging kaganapan at maging bahagi ng kasaysayan ng ating paaralan.

Mabuhay ang Wikang Filipino! Mabuhay ang Buwan ng Wikang Pambansa!